Thursday, 6 October 2016

Kahirapan

Kahirapan, suliraning pilit hinahanapan ng solusyon ... solusyong pinakaaasam-asam ng ating mga mamamayang sadlak sa hirap at nananatili sa piitan ng paghihinagpis na dulot ng kasakiman at pang-aalipusta ng kapalaran. Sino ba ang nararapat na sisihin? Sila ba na sadyang biktima lang ng mga taong nasa tuktok ng tagumpay na pilit na iminumudmod sa lupa ang mga mamamayang nasanay na sa lunti, tuluyan nang pinagkaitan ng pag-asa? O sila na nasa rurok ng tagumpay na mistulang diyos sa isang pamayanan na ginagawang libangan ang makita ang kasawian ng iba? Walang sino man ang nakagawa ng solusyon sa kahirapan ng lahat ng mamamayan, kahit sinong eksperto pa ang tanungin mo, magsaliksik ka man hanggang sa hangganan ng kaalaman, iisa lamang ang may kakayahang bumangon mula sa pagkakasadlak sa kasawiang iyon, kung hindi ay ang mismong indibidwal na naghihirap. Oo maraming naghihirap dahil sa katiwaliang nangyayari sa ating sariling pamahalaan, ngunit hindi ito nagbibigay sa atin ng karapatan na magdamag na mag reklamo sa lahat ng mga katiwaliang ito. Habambuhay na lamang ba tayong aasa sa pag unlad ng ating ekonomiya? Oo, nagsisimula na ang pagbabago, ngunit nararapat din na sa atin mismo magmula ang pagbabago, hindi tayo matatawag na isang produktibong mamamayan kung palagi na lamang tayong aasa sa tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa atin? Hindi! Hindi tayo dapat ma kuntento sa ganitong sistema. Bumangon ka kapatid, at magsimula ka.

//Sophia Monique Manla

No comments:

Post a Comment