Friday, 7 October 2016

Ang Mundo ng mga Mahihirap

               Ang kahirapan ay isa sa mga balakid sa buhay ng isang tao. Talamak na ngayon ang mga balita tungkol sa malubhang kalagayan ng mga mahihirap sa ating bansa. Maraming mga bata ang natutulog ng gutom at hindi nakakapag-aral. May mga tao ring iniinda na lamang ang kanilang kalagayan dahil walang pambayad sa ospital. Kay hirap isipin na lalo pang dumadami ang populasyon ng mga mahihirap sa ating bansa.

               Ang kahirapan nga naman ay nakakalungkot isipin. Ang hirap makita na walang kinakain ang isang pamilya. Mga batang walang tirahan kung kaya't palaboy-laboy sa kalye at nanlilimos. Nasasangkot sa pag-inom ng alak at paggamit ng ipinagbabawal na droga. Humahantong ito sa pagsama sa maling barkada.Isa sa mga epekto nito ay maagang pakikipagtalik at paggawa ng mga masasamang gawain. Ilan lamang ito sa mga nakakalungkot na resulta ng kahirapan. Kahirapan ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga nangyayaring di kaaya-ayang mga pangyayari sa ating paligid.

              Dagdag pa nito, ang kahirapan ay nagdudulot ng mga krimen na perwisyo kung maituturing. Maraming mga balita tungkol dito. Madalas ang sangkot ay mga batang musmos na gumagawa ng pagnanakaw dahil sa pangangailangan na may pambili ng pagkain. Mga nalulunong sa droga dahil sa problema sa pamilya. Isa na rito ang panggagahasa lalo na sa mga inosenteng batang babae at humahantong pa sa pagpatay. Ang mga nangyayaring pagdukot, pananamantala, at panloloko ay ilan sa mga resulta dulot ng kahirapan. Talagang nakapanlulumo ang mundo ng mga mahihirap sapagkat nang dahil sa pangangailangan nila ay gumagawa sila ng di- magandang bagay na pwedeng mauwi sa kamatayan.

               Sa ngayon, patuloy ang paglala ng mga ilegal na gawaing ito. Dahil dito, kailangan na kahit paunti-unti mabawasan sana ang populasyon ng mga mahihirap sa Pilipinas. Kung kaya kung walang mahirap, walang mga kriminal ang naghahanap ng kanilang mga target. Sana'y bigyan ng pondo ng pamahalaan ang pagtulong sa mga mahihirap. Ito man ay pinansyal o pangkalusugan na aspeto. Totoo ngang ang pag-unlad ay nakasalalay sa mga mamamayan. Kapag ang tao ay labis ang kahirapan na dinaranas sa buhay ay nagdudulot ng mga problema sa pulitika at sosyal. Sadyang kay hirap ng buhay ngunit wag tayong mawalan ng pag-asa at manalig sa Diyos ng may puso at diwa.



Jenel Rose R. Ochavillo
             

No comments:

Post a Comment