Wednesday, 5 October 2016



KAHIRAPAN SA BANSANG PILIPINAS



Sa gitna ng krisis di maikakaila na ang kahirapan ang pinakamatinding suliranin. Lahat ng tao ay nararanasan ito, partikular na ang mga kabataang Pilipino. Itinuturing ang mga ito na pinakamahalagang kayamanan ng bansa. Ngunit, ang mga kabataan ngayon ay di lamang sa pag-aaral napupunta ang atensyon, may iba na kailangan pang maghanap ng trabaho at ikabubuhay matustusan lamang ang kanilang pangangailangan at pag-aaral. Napakalaking bagay kasi basta nakatapos ng pag-aaral at mayroong titulo . Edukasyon ang kauna-unahang solusyon sa kahirapang tinatamasa at nararanasan . Sa panahon ngayon, napakaraming estudyanteng napapatigil at di natatapos sa pag-aaral sa kadahilanang kulang at kapos sa pinansyal na suporta. Mayroong ilan na mapalad na nakukuhang iskolar, ngunit di lahat ay maaaring maging iskolar sapagkat pili lamang.

Ang kahirapan ang isa sa mga mabibigat ng problema ng bansang Pilipinas. Madalas nating sisihin ang maling pamamalakad ng mga pinuno ng bansa, "Nanunumpa pa sila na tutulungan nila ang taong bayan na makaahon sa kahirapan pero hindi pala.  Kinain lamang nila ang kanilang sinabi. Ako'y galit sa kanilang ginagawa at tinatanong ko nalamang ang aking sarili kung pano at sino ba ang makatutulong sa taong bayan upang matuligsa ang mga taong ito. Sana'y dumating na ang araw na magkakaroon na ng kaayusan dito sa ating bansa". pero sila nga ba ang may kasalanan o tayong mga Pilipino na tamad? Sinasabi ng karamihan, kaya sila naghihirap ay sa kadahilanang wala silang trabaho, pero ang totoo, maraming trabahong nakalaan, mapili lang talaga ang mga Pilipino. Pero hindi rin natin sila masisisi, mas pipiliin pa nilang maupo na lang sa isang tabi at manghingi ng limos kaysa magpakapagod sa napakabigat na trabaho at kumita ng isang daang piso sa isang araw, pero sa kadahilanang ito, pinapakita lang natin na tayo ay tamad, pinakadahilan ng kahirapan.
Marami ring nangingibang bansa upang matustusan lamang ang pamilya. Dahilan sa ang paglisan sa sariling bayan at mawalay sa pamilya ay hindi madali para sa isang kulturang kinalakihan. At isa sa matinding dahilan ng kahirapan sa bansa ay ang korapsyon, ang pagnanakaw ng pera sa kaban ng bayan ng mga tao sa gobyerno. Ito ang pinakamalupit at talamak na dahilan ng paghihirap ng bayan. Ang mga pera na para sana sa kapakanan ng taong bayan ay napupunta lang sa bulsa ng iilan na mga may kapangyarihan sa pamahalaan at ito ay maituturing na kanser sa lipunan.
Ngayon sa bagong administrasyon, Maraming naghahangad ng pagbabago, naghahangad na unti-unting uunlad ang ating ekonomiya at mawala ang isyu ng kahirapan. Ngunit ang tanong ko lang, aasa lang ba tayo sa pamahalaan? hahayaan nalang ba nating sila ang humanap ng paraan? dapat rin nating isipin na tayo ang may hawak sa ating buhay, kaya't na'sa atin ang unang hakbang. Di lang dapat tayo puro asa sa namumuno dahil kung tutuusin tayo dapat ang gumawa ng pagbabago at hindi ang pamahalaan.



Carlo M. Gemar 11-Confucius
10/05/16

No comments:

Post a Comment