Saturday, 1 October 2016

KAHIRAPAN

     Sinasabi na ang Pilipinas ay isa sa mga mahirap na bansa sa buong mundo. Bakit nga ba mahirap ang bansang Pilipinas? Bakit nga ba hanggang ngayon ay hindi parin tayo umuunlad? Ano nga ba ang mga sanhi ng kahirapan ng mga Pilipino?

     Isa sa mga dahilan ng ating kahirapan ay ang kakulangan o kawalan ng edukasyon. Marami sa aming mga kabataan ngayon ang hindi man lang nakapagtapos o hindi man lang nakapag-aral. Nang dahil dito wala silang makuha na maayos na trabaho at walang sapat na sahod upang gamitin sa pang araw araw na pamumuhay dito sa mundong ginagalawan.
    Ang iba nga ay napipilitang magnakaw upang makaahon sa araw-araw, maraming kabataan ang sangkot sa mga ganitong gawain, at kawalan ng edukasyon ang punot' dulo ng lahat.

    Kadahilanan rin sa ating paghihirap ang Korupsyon. Hindi natin lubusang maisip kung nasaan ang pera nang ating bayan. Napakamakasarili ng mga namumuno sa ating bansa. Hindi man lang nila inisip na napakaraming mamamayan dito sa Pilipinas ang nangangailangan ng tulong pinansyal. Mga mamamayan na umaasa sa kanilang pamumuno.

    Tayo mga Pilipino ay nahaharap sa isang matinding krisis. Namumuhay tayo ng salat sa mga pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay mas lumalala ang problema ng ating bansa na hindi nasusolusyunan dala ng kahirapan.

     Ang katotohanan ay, tayo mismo ang dahilan ng ating paghihirap, tayong mga mamamayan sa bansa natin. Kung sisimulan natin ang pagbabago sa ating sarili, malamang mababago rin natin ang antas ng ating pamumuhay, mayaman man o mahirap ay dapat magbago para sa ikakaunlad nating lahat.

RINELA JEAN M. MABISCAY

No comments:

Post a Comment